Saturday, May 13, 2006

bilanggo

Try and try until you die

Habang ako’y gulung-gulo rito sa harap ng kompyuter, nag-iisip ng maisusulat habang tumutugtog ang windows media player, nagkakagulo rin ang ama’t ina ko roon sa may kwarto. Pero mali ang iyong iniisip. Hindi sila nag-aaway. Hindi rin sila nagtatalik. Masyadong marumi ang iyong isip ha! Kundi, sa hindi malamang dahilan ay nakulong si mami sa loob ng kwarto. Marahil di kapani-paniwala pero totoo. Marahil nakakatuwa pero tama ka, ito nga’y nakatutuwa. Ahihihi.

Ganito ang nangyari…

Papasok sana si dadi sa kwarto nang hindi nya mabuksan ang pinto. Itinanong sa akin kung nasa loob si mami at sinabi kong hindi ko alam nang biglang sumigaw si mami. Nandito ako. Hindi ko mabuksan ang pinto. Dali-daling kinuha ni dadi ang susi at sinubukang buksan ang pinto subalit ayaw bumukas. Samantala, sa loob ng kwarto, pilit ding binubuksan ni mami ang pinto ngunit tulad ni dadi, siya’y bigo.

Tinawag ako ni dadi sa may bintana ng kwarto. Lumapit ako. Sabi nya kay mami. Haneeh, tara rito, may dalaw ka. At sumilip ako. Ipinakita ko ang aking mukha. Ang aking mukhang tumatawa.

Pero naisip ko lang, paano kung hindi na mabuksan ang pinto? E di sa loob na lang ng kwarto si mami forever? E di aabutan na lang namin siya ng pagkain sa bintana tatlong beses sa isang araw? E di dadalawin na lang namin sya twing gusto namin syang makita? Naku, hindi na rin sya nalalayo sa ibang bilanggo! Ang pinagkaiba nga lang nila ay sa lahat ng mga bilanggo, sya ang pinaka-at home.

Hindi pa rin sila nawalan ng pag-asa. Ulit-ulit nilang sinubukang pihitin ang hawakan ng pinto ngunit paulit-ulit rin silang nabigo. At sa huling pagkakataon, kinuha ni dadi ang susi. Isinuksok sa susian. Dahan-dahang pinihit ang doorknob. At…sa wakas, ito’y bumukas!

Hay, salamat! Hindi na namin kailangang abutan si mami ng pagkain tatlong beses sa isang araw. At hindi na namin sya kailangang dalawin na parang bilanggo.

Excited na lumabas si mami ng kwarto. Mababakas sa kanyang mga mata ang kasiyahan. Mababanaag sa kanyang ngiti ang pasasalamat. Salamat po Diyos ko. Salamat at ako’y nakalabas.

Sa kabilang banda, ako ri’y nagpapasalamat dahil sa wakas, may naisulat rin ako. Salamat po. =)

Comments:
This site is one of the best I have ever seen, wish I had one like this.
»
 
Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]





<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

Subscribe to Posts [Atom]